Monday

Editorial: Nanggugulo pala ha?

 DINEKLARA na ng aktor na si Richard Gomez ang kanyang planong kumandidato bilang alkalde ng Ormoc. Bagama’t may nagsasabing matagal na niya itong balak, pawang pinapalabas niya na ngayon lang siya nakapagpasya dahil raw sa mga taong nanggugulo sa trabaho ng kanyang kabiyak na si Congresswoman Lucy Torres-Gomez.

“Ayaw nilang tumigil (sa panggugulo) so maglaban tayo head to head. Lalabanan ko sila”, aniya na tila ba naghahamon. Bagama’t wala siyang binanggit na pangalan ng mga personalidad na diumanoy nanggugulo sa kanila, pawang ang mga Codilla na katunggali ng kanyang kampo sa politika ang pinasasaringan niya.

Subalit sa wari namin ay walang ginawang panggugulo ang mga Codilla sa mga programa ng mga Gomez. Walang ginawang hakbang ang mga Codilla upang hadlangan ang mga gawain ng butihing kongresista, pati na ang mga proyekto ng pamahalaang nasyonal na pilit nilang inaangkin.
 
Kung hindi ang mga Codilla ang pinatatamaan ni Richard, e sino? Wala kaming maisip na ibang grupo na malakas pumuna sa mga kabuktutan ng mga Gomez maliban sa pahayagang ito mismo. Subalit, panggugulo nga ba ang layunin namin? Panggugulo ba ang pagsaway namin sa pange-epal ng mga Gomez sa mga proyekto ng pamahalaang nasyonal?
 
Totoo naman talaga na walang kinalaman si Congresswoman Lucy sa mga ginagawang pagpapaayos ng mga lansangan. Ito’y isang malawakang proyekto sa buong bansa bunga ng pagbuhos ng pondo ni Pangulong Aquino – pondo na kanyang inipit at hindi napakinabangan ng taong-bayan noong nakaraang taon. 

At ngayon ay pinakawalan na niya ang pinagsamang pondo noong nakaraang taon at ng kasalukuyan, mistulan tuloy na may nagaganap na pagsigla sa konstruksyon at ng ekonomiya na siya namang ginagamit ng Pangulo bilang pabango para sa nalalapit na halalan.
 
Maging ang karatig na ikatlong distrito ng Leyte ay nabiyayaan ng mga proyekto na nagkakahalaga ng P273 milyon para sa pagsesemento ng mga daan at paggawa ng walong bagong tulay. Ngunit hindi mo makikita na nakapaskil ang pangalan at larawan ni Kongresista Andy Salvacion sa mga proyektong ito.
 
Dumako naman tayo sa mga karatula. Panggugulo ba ang pagbubuking namin sa paglabag ni Congresswoman Lucy sa panuntunan ng DILG laban sa paglalagay ng mga larawan niya sa mga proyekto ng DPWH, PPA, DepEd at DA? Mismong si Kalihim Rogelio Singson ay pinagbawal na ang ito sa mga proyekto ng DPWH kung saan karamihan ng mga karatula ni Congresswoman Lucy ay nakabalandra.

Bilang isang kagalang-galang na mambabatas, ang pagsunod sa mga panuntunan ng pamahalaan at magsilbing halimbawa sa mga kabataan ang inaasahan sa kanya. Ngunit sa pinapamalas niyang tahasang paglabag, baga ang binibigay niyang mensahe sa mga mag-aaral ay ayos lang suwayin ang mga alituntunin ng paaralan basta’t mayaman at maimpluwensya ang pamilya mo.
 
Sino ang nanggugulo? Marahil ay dapat tumingin si Richard sa salamin. Isa siyang Tagalog na tinanggap ng mga taga-Ormoc, ngunit paano niya tayo ginantihan sa ating ipinamalas na kabutihan sa kanya? Hindi pa nga siya nakakaupo sa puwesto pero ilang barangay kapitan at mga prominenteng tao sa Ormoc ang nakabangga na niya? May mga gurong dumulog sa amin na kinagalitan daw sila dahil hindi nila naimbitahan ang mag-asawang Gomez sa pagpapasinaya ng ilang silid-aralan.
 
Wala siyang ibang bukang-bibig kundi pangungutya sa mahal nating lungsod. Reklamo siya nang reklamo pero kontra naman ng kontra sa mabubuting proyekto gaya ng pinapatayong pagamutan ni Meyor Beboy Codilla para sa mga mahihirap. Sino ngayon ang nanggugulo sa Ormoc?
(West Leyte Weekly Express issue of May 14-20, 2012)

No comments:

Post a Comment